Header Ads Widget

Responsive Advertisement

Ang Alamat ng Pinya


  Noong unang panahon ay may mag-asawang nagnganglang Emilio at Marcela.  Sila ay may anak na dalagang ang pangalan ay Rufina. Si Rufina ay lubhang pinalaki sa layaw ng kanyang ama,  kaya't siya na lamang ang nagiging dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa.

  Si Rufina ay walang nais gawin kundi ang humarap sa salamin at mag-ayos ng mukha Wo kaya'y magtungo sa halamanan, at magmasid ng mga bulaklak. Wala siyang hilig sa pag-aaayos ng bahay, at kung siya naman ay inuutusan ng kanyang ina,  ito ay walang matanggap na kasiyahan sa kanyang pag-uutos.

  Isang araw, si Aling Sela at si Mang Milyo ay nagkasagutang mabuti tungkol kay Rufina.

 " Talagang hindi ko na malaman kung paano ang gagawin ko upang maturuan ng wastong pamamahay iyang si Rufina," ang nagagalit na wika ni Aling Sela.

" Bakit mo pinapaghihirap ang loob mo?" ang tanong naman ni Mang Milyo." Hindi ba't tayo'y may mga alila? Bakit hindi na lang sila ang utusan mo, kung mayroon kang ibig ipagawa?"  Bakit si Rufina pa ang pinipilit mong gumawa ng mga bagay, na dapat gawin ng mga alila?"

    Si Aling Sela ay lalong nagalit.

" Paano ko nga ba matuturuan iyang anak mo ng pagpapakababae ay sa ikaw ang una-unang nagpapalala? Matuturuan ba iyan ng kahit na ano eh sa pinababayaan mong magkasungay? " ang galit na galit na wika ni Aling Sela.

  " Huwag kang magalit, " ang amo ni Mang Milyo. " Ang sinasabi ko lamang ay hindi mo dapat ipagawa kay Rufina, ang mga bagay na dapat gawin ng mga alila,  sapagka't tayo'y nagbabayad ng mga alila,  upang may gumawa ng mga bagay na iyan. "

  "Ang ibig mong sabihin, ay wala ng dapat matutuhan ang batang iyan,  sapagkat,  tayo'y may mga alila? " ang tanong ni Aling Sela.

 " Iyan nga ang ibig kong sabihin kanina pa, " ang pagsang-ayon ni Mang Milyo.

 " At kung tayo ay wala ng kaya sa pagbabayad ng mga alila? " ang patuloy na usisa ni Aling Sela.

 " Ah ... hindi mangyayari iyan sapagkat tayo naman ay mayaman, " paliwanag ni Mang Milyo.

  Ang sagot ni Mang Milyo ay lalong nagpagalit kay Aling Sela.

 " Hindi ako magtatakang ang anak mo ay magkasungay!" ang nanginginig na sigaw ni Aling Sela. "  Ngayon lamang ako nakakita ng magulang na kagaya mo!  Umalis ka muna sa harapan ko! "

 Upang hindi na lumala pa ang usapan,  si Mang Milyo ay pumanaog ng bahay.  Minarapat niya ang mamasyal- masyal muna, at kung malamig na ang ulo ni Aling Sela ay saka na siya babalik. 

  Si Aling Sela naman ay nakaisip manulsi, at nang malimutan niya ang mga pinagsasabi sa kanya ni Mang Milyo.

 " Rufina! " ang tawag ni Aling Sela. " Kunin mo nga ang kahon ko ng karayom at sinulid, at ako'y manunulsi. "

  Si Aling Sela ay matagal na naghintay ngunit si Rufina ay hindi pumasok sa kanyang silid.

 " Rufina!"  ang ulit na tawag ni Aling Sela.  " Bingi ka ba?  Hindi mo ba ako naririnig?  Kunin mo ang kahon ng karayom at sinulid at ako'y manunulsi. "

 Si Rufina na noon pala ay nakaharap sa salamin, ay nag-aayos ng mukha, ay noon pa lamang sumagot.

 " Sandali lamang po.  Matatapos na ako. "

 Si Aling Sela ay nagpigil ng nararamdaman.  Hindi niya ibig na lumala pa ang kanyang nararamdamang pagka inis sa anak.

 " Ano ba?  Hindi ka pa ba tapos? " ang usisa ni Aling Sela pagkaraan ng ilang sandali.  " Magdala ka ng kahon ng karayom at sinulid. "

 Naghintay pang muli si Aling Sela bago dumating si Rufina sa kanyang silid.  At nang dumating ito ay wala naman pa lang dalang kahon.

 " Wala po akong makitang kahon ng karayom at sinulid, " ang pahayag ni Rufina.

 " Wala kang makita eh naroon lamang ang kahon sa mesa mo? " ang pagtatakang wika ni Aling Sela.

 " Sinabi ko na po sa inyong wala akong makita eh, " ang pagalit na tugon ni Rufina.

 " Bakit, wala ka bang mata?  Wala ka bang nakikita kundi,  ang isinusurot mo sa mga mata mo? " ang pagalit na ring usisa ni Aling Sela.

 Si Rufina na noon ay lumabas na ng silid at patungong halamanan ay sumagot ng pasigaw.

 " Opo, kundi ang isinusurot sa mga mata ko. "

 Ang galit ni Aling Sela ay hindi na napigilan. Nakita niyang si Rufina ay nasa halamanan na at nagmamasid na naman ng mga bulaklak.

 " Diyos ko po! Bakit hindi mo pa po gawing reyna ng mga halaman ang anak ko at ng hindi na po niya ako nilalapastangan? Sana ay magkaroon na lang siya ng maraming mata para makita niya ang kanyang hinahanap. "

 Noon din, ay nawala sa kinatatayuan si Rufina.  Si Aling Sela na dali-daling nanaog upang magsiyasat sa nangyari, ay walang nakitang bakas ng kanyang anak saanman siya bumaling.  Ngunit,  sa kinatayuan ni Rufina ay nakita niya ang isang bagong halaman.  Ang halamang iyon ay may mahahabang dahong maraming tinik, at sa gitna ng mga dahon ay may malaking bunga na tila may korona sa ibabaw.  Anong himala! Ang bungang iyon ay napapaligiran ng kayraming mga mata!

  Biglang naalaala ni Aling Sela ang huli niyang sinabi kay Rufina,  na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap.

Tahimik na nanangis si Aling Sela at laking pagsisisi dahil tumalab ang
kanyang hiniling sa Diyos.  Nakabalik na si Mang Milyo sa kanilang tahanan at nalaman ang nangyari. Laking pagsisisi nito sa pagkunsinti sa anak na maging tamad at pabaya. Pero huli na ang lahat. 

 Inalagaan nilang mag-asawa  ang halaman,  at tinawag itong Pina. Sa pagdaan ng panahon at sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao, ang Pina ay naging pinya.   At ito ang pinagmulan ng unang Pinya. 

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Ang Alamat ng Tandang