Header Ads Widget

Responsive Advertisement

Noli Me Tangere Kabanata 31 | Ang Sermon

  


   Pinatunayan ni Padre Damaso na kaya niyang magsermon sa wikang Kastila at Tagalog. Ang pambungad na sermon ay halaw sa Ikalawang Aklat, Kabanata IX, Salaysay 20, mga salitang winika ng Diyos sa pamamagitan ni Estres na nagsasaad na "Ibinigay mo sa kanila ang iyong mabuting Espiritu upang sila’y turuan, hindi mo inaalis sa kanilang bibig ang iyong tinig at binigyan mo sila ng tubig upang mapawi ang kanilang pagkauhaw”

  Humanga si Padre Sibyla sa pagkabigkas ni Padre Damaso at si Padre Martin naman ay napalunok ng laway dahil sa alam niyang higit na magaling ang pambungad na iyon sa kaniyang sariling sermon.

  Nagbigay pugay ang pari sa mga nagsimba. Lumingon siya sa likod at itinuro ang pintong malaki. Inakala ng Sakristan na yaon ay isang pagturo sa kaniya upang isara ang lahat ng mga pintuan. Nag-alinlangan ang Alperes. Iniisip niyang tatayo at aalis na. Ngunit, hindi niya magawa sapagkat nagsisimula ng magsalita ang predikador.

  Sinabi ni Padre Damaso na kaniyang binitiwan ang mga pananalita ng Diyos upang maging kapaki-pakinabang na tulad ng isang binhing umuusbong at lumalaki sa lupain ng banal na si Francisco. Hinikayat niya ang mga makasalanan na tularan ang mapagwaging si Gideon, ang matapang na si David, ang mapagtagumpay na si Roldan ng kakristiyanuhan, at ang Guwardiya Sibil ng langit.

  Nakita ni Padre Damaso na napakunot-noo ang Alperes sa kaniyang tinuran. Kung kaya’t sa malakas na tinig, sinabi niya na, “Opo, Ginoong Alperes, higit na matapang at makapangyarihan bagama't walang armas kundi isang krus na kahoy lamang. Natatalo nila ang mga tulisan ng kadiliman at lahat ng kampon ni Lucifer. Ang mga himalang likhang ito ay tulad ng paglikha kay Diego de Alcala.”

  Ang mga bahaging ito ng sermon ay ipinahayag ni Padre Damaso sa wikang Kastila, kung kaya't ito'y hindi naintindihan ng mga Indiyo. Ang tanging naunawaan lamang ng karamihan ay ang salitang Guwardiya Sibil, tulisan, San Diego at San Francisco. Umasim din ang mukha ng Alperes, kaya inakala ng marami na pinagalitan siya ni Padre Damaso dahil sa hindi pagkakahuli nito sa mga tulisan.

  Nang mabanggit naman niya ang tungkol sa patente upang tukuyin ang pagwawalang-bahala ng mga tao sa kasalanan, isang lalaki ang namumutlang tumindig at nagtago sa kumpiskalan. Nagbebenta kasi siya ng alak at madalas na usigin siya ng mga karabinero dahil sa hinihingan siya ng patente.

   Inaantok ang mga nakikinig. Si Kapitan Tiago ay napahikab. Samantala, si Maria Clara ay hindi nakikinig sa sermon sapagkat abala siya sa pagtingin sa kinaroroonan ni Ibarra na malapit lamang sa kaniya. Nang simulan na sa Tagalog ang misa, ito ay tumagal ng tumagal. Lumilihis na si Padre Damaso sa sermon niya sapagkat puro panunumbat, sumpa, at pagtutungayaw ang isinasambulat niya. Dahil dito, pati si Ibarra ay nabalisa lalo na nang turulin ng pari ang tungkol sa makasalanang hindi nangungumpisal na namamatay sa bilangguan na walang Sakramento sa simbahan. Hindi rin nakaligtas sa pag-aglahi ng pari ang mga mistisilyong hambog at mapagmataas, mga binatang salbahe at pilosopo. Ang mga parinig na ito ay nadadama ni Ibarra. Pero, nagsawalang kibo na lamang siya.

  Naging kabagot-bagot na ang sermon, kung kaya't nagpakuliling na si Padre Salvi upang huminto na si Damaso. Pero, sumabak pa rin sa pagsasalita ng may kalahating oras. Habang isinasagawa ang misa, si Elias ay lumapit kay Ibarra at nagbabala patungkol sa gagawing pagdiriwang sa paaralan. Kailangang maging maingat anya si Ibarra sa pagbaba sa hukay at huwag lalapit sa bato sapagkat maaari siyang mamamatay. Nakilala ni Ibarra si Elias na kaagad namang umalis.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento

Ang Alamat ng Tandang